“Bagamat mahirap, inisip ko na lamang na bahagi ito ng journey ko para maabot ang aking pangarap.”
Walang edad ang edukasyon. May kakayahan itong tulungan tayong abutin ang ating mga pangarap anoman ang ating edad o estado sa buhay. At hindi maikakaila na ang makapagtapos ng pag-aaral ay isang tagumpay na hindi maaagaw sa atin ninoman.
Kaya para naman kay Eleazar Begornia, 42, at kasalukuyang nagtatrabaho bilang janitor sa Immaculate Conception Institutions (ICI) sa Sta. Maria, Bulacan, hindi dapat ikahiya ang edad sa pagkamit ng kalidad na edukasyon.
“Hanggang 2nd year high school lang ang natapos ko noon dahil maaga akong nag-asawa at naisip ko na hindi pa ito sapat lalo na sa hirap ng buhay ngayon. Kahit na papaano ay may marangal ako na trabaho, ngunit naisip ko na kung gusto kong mabago ang aking buhay kailangan kong makapagtapos ng pag-aaral upang mas umangat pa sa buhay,” ani Eleazar.
Ayon sa kanya, malaking pagbabago ang kanyang pinagdaanan sa kanyang pagbabalik eskwela. Doon ay pinagsabay niya ang pagiging ama, estudyante at pagtatrabaho. Bukod pa rito, minsan ay nakakaramdam rin siya ng hiya dahil sa layo ng agwat ng edad niya sa kaniyang mga kaklase.
Nasaksihan rin ng kanyang anak na si Jenalyn, ang pinagdaanan ng ama. Labis ring namangha at natuwa ang kanyang mga kaklase sa tatay niya dahil sa kabila ng edad nito ay nagawa nitong makapagtapos ng Senior High sa ilalim ng Humanities and Social Science (HUMSS) strand.
“Masaya ako dahil malaking achievement ito para kay papa, sobrang nakaka-proud at nakakataba sa puso na sabay kaming nagtapos ng SHS at sana ay sabay rin kaming magtapos sa kolehiyo sa hinaharap,” sabi ni Jenalyn.
Ayon naman sa School President ng ICI na si Atty. Normita Villanueva, muli nilang susuportahan si Eleazar sa pagbibigay dito ng full college scholarship. Bilang working student bibigyan siya ng pagkakataon na makapamili ng schedule upang makapag-aral at magampanan ang tungkulin bilang kawani rin ng paaaralan.
Balak ni G. Eleazar na kumuha ng kursong Education Major in Physical Management sa kanyang pagtungtong sa kolehiyo.
END