Sa murang edad na limang taong gulang, marami ang namangha sa taglay na talino at galing ni Marius Z. Constante sa larong chess. Dahil dito, naging makasaysayan ang paglahok niya sa National Capital Region (NCR) Palaro 2023 bilang pinakabatang atleta na napabilang dito.
Naging daan upang makasali sa NCR Palaro 2023 ang kaniyang pagiging kampeon sa sa North Private Schools Association of Caloocan – NPSAC Chess, kung saan nirepresenta niya ang Escuela de Sophia of Caloocan, Inc.
Bilang pinakabata at tanging Kindergarten, maraming natuwa sa naging performance ni Marius dahil nagsimula siya sa dalawang magkasunod na talo noong unang araw at pagkatapos ay nakuha niyang ipanalo ang lahat ng natitirang limang laro na naging dahilan para makakuha siya ng 5th Place sa Individual Category at matulungan ang teammate niya para makuha nila ang 2nd Place sa Team Category.
Ibinahagi naman ni Gng. Mary Ann Zabanal Constante, ina ni Marius, na noong nakaraang taon ay pinakitaan lamang nila si Marius ng chess board at noong naging curious ang bata ay pinakitaan nila ito ng mga video’s tungkol sa chess.
“Within three months, naging very interested na s’ya sa game at nagsimula na s’yang maghanap ng magtuturo sa kanya para gumaling sya sa game. Sa ngayon, merong tatlong main coaches si Marius,” ani Gng. Constante.
Makaraan ang apat na buwang pagsasanay, sumali sa mga patimpalak sa Chess si Marius, at mas lalo ring nabigyan pansin ang kaniyang husay noong lumahok siya sa Mayor Darel Dexter T. Uy National Age Group Chess Championships (U10 Boys) kung saan nakapasok siya sa Grand Finals at nakuha ng 7th Place sa Standard at 6th Place sa Blitz.
Bagama’t ‘di siya nag-qualify sa Palarong Pambansa 2023 ngayong taon, marami ang umaasa, lalo na ang kaniyang mga magulang, na malaki ang pag-asa niyang makapasok sa taunang sporting event sa mga susunod na taon.
“May mga nagsasabi sa amin na mabilis ang naging progress ni Marius sa Chess at may natural talent sya sa game na ito. May mga nakapagsabi rin na kung mabibigyan ng tamang training program at tamang suporta si Marius ay may potential syang maging susunod na Wesley So ng Pilipinas,” ani Ginoong Julius Constante, ama ni Marius.
END