Nagpakitang gilas sa larangan ng pamamahayag ang mga mag-aaral na sina Russel Andrei Christopher Rivera, Joshua SF. Constantino, Dea Angelika A. Lejano, Eugene Ann S. Samantela, at Ryzza Lynn H. Orosco ng Naga City Science High School (NCSHS) na nirepresenta ang Rehiyon 5 (Bicol) sa kategoryang TV Scriptwriting and Broadcasting Secondary – Filipino ng National Schools Press Conference (NSPC) 2023.
“Matapos ang mahigit seven years sa journalism journey ko [mula Grade 4] ay nabigyan na rin ako ng pagkakataon nang mapili ako bilang miyembro ng TV Broad Filipino. Grabe ‘yong pressure kasi direktang nationals na ‘yong mapipili sa region namin,” pagbabahagi ni Team Alerto Anchor Joshua SF. Constantino, Grade 11 STEM student ng NCSHS, at dating nakasama na sa Radio Broadcasting English Team sa Elementary at Secondary level.
Ayon naman kay Russel Andrei Christopher M. Rivera, Grade 12 STEM student at Team Alerto Technical Director/Producer, hinarap ng grupo nila ang hamon ng kakulangan sa oras ng paghahanda sapagkat katatapos lang nila sa Radio Broadcasting ng Division Schools Press Conference (DSPC) at sasabak ulit pagkatapos ng isa’t kalahating buwan matapos ang pagsasanay sa TV Broadcasting at Scriptwriting.
Gayumpaman, nagbunga ang kanilang maiging pagsasanay mula umaga hanggang gabi sa tulong at gabay na rin ni G. Erwin Recto, Teacher I at School Paper Adviser.
“The smooth flow of our performance was brought on by our team’s chemistry and cooperation with each other. By dividing our tasks and helping each other we finish on time and work together to create a smooth performance,” wika ni Russel.
Pinaalala naman ni Joshua sa mga kapuwa niya learners na dapat i-enjoy ang experience sa patimpalak habang natututo dahil iyon ang esensiya ng NSPC.
“Tandaan na hindi natatapos ang journey mo as a journalist dahil narating mo na ang NSPC. Panimula pa lamang ito ito para magamit mo talaga ang mga skills mo na na-hone mo throughout the years sa totoong mundo. Padayon lang journalist!” ani Joshua.