Isang pangarap ang unti-unting binibigyang kulay ni Carlisle Wesley Clemente Duque mula SDO Tuguegarao ng Cagayan Valley sa kaniyang unang pagsali at pag-qualify sa Himig Bulilit ng 2023 National Festivals of Talents (NFOT) na ginanap noong Hulyo 17 sa Cagayan de Oro City.
“Pangarap ko po kasing maging teacher sa subject na Music. Tapos, pina-join po ako rito sa Himig Bulilit kaya sobrang thankful ko po na narito ako,” saad ni Carlisle.
Dagdag pa niya, ang kaniyang Teacher-Coach na si G. Santiago “Santi” Pagulayan ang nagturo sa kaniyang umawit at nagbigay ng lakas ng loob upang sumali sa mga patimpalak tulad ng Himig Bulilit.
Hindi man naging madali ang pag-eensayo upang maging kinatawan ng Cagayan Valley sa 2023 NFOT, nagpapasalamat pa rin siya sa oportunidad na makapunta sa Mindanao para magpamalas ng kanilang galing sa pag-awit at masaksihan ang iba pang mga kalahok mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
“Excited na natatakot po. Excited ka kasi pupunta ka ng ibang place. Tapos natatakot din dahil magagaling din yung mga kasali dito. Tapos kailangan mo talagang mag-practice nang mag-practice,” kuwento ni Carlisle.
Dahil sa pagpupursiging ito, nakamit ng pangkat nila Carlisle, sa gabay ni Coach Santi at iba pang guro na itanghal ang kanilang awitin na itinuturing nilang isang malaking tagumpay at alaala para sa kanilang lahat.
Isa si Carlisle sa kalahok ng 2023 NFOT sa kategoryang Himig Bulilit na naglalayong maipamalas ng mga mag-aaral ang kanilang galing sa pagkanta bilang bahagi ng isang Quartet.