Parehas pang galing sa Hilagang Luzon sila Gng. Joanne Melad ng Region 2 at G. Salman Mohammad Amin ng Region 1 upang maging teacher-coaches para sa National Festival of Talents: Musabaqah, Qur’an Reading at Harf Touch.
Isang malaking karangalan, ayon kay G. Salman, na kaniyang masamahan ang kaniyang estudyante, na si Norhanifah Samporna sa NFOT.
“Ramdam ko po ang eagerness ng aking estudyante na mag-ensayo, pagkatapos namin magklase, nagsisimula na agad kaming mapractice,” pahayag ni Teacher Salman.
Ibinahagi rin niya ang kanilang karanasan sa NFOT kung saan kanilang nakilala at nakasalamuha ang iba pang mga coach, learners, at focal persons.
Para naman kay Gng. Joanne, hindi naging madali ang kanilang pag-e-ensayo dahil sa language barrier. Hindi Muslim si Teacher Joanne ngunit para sa kanya, hindi malaking hadlang ito upang masiguro na handa sa demonstrasyon ang kaniyang estudyante na si Ahmidah Macapundag.
“Kayang-kaya naman natin na makipag-blend sa ibang tao. Kaya natin na intindihin, kaya natin na makipag-coordinate sa mga learners, sa mga parents upang masiguro na tama ang ating ginagawa. Kailangang kayaning para sa mga bata,” saad ni Teacher Joanne.
Ilan mang rehiyon ang kanilang pagitan sa Cagayan de Oro City, isa lamang ang tiyak sa dalawang teacher-coaches na ito, naging patunay na layon ng NFOT ang magpagbuklod-buklod ang lahat ng rehiyon sa bansa, maging tulay tungo sa inklusibong edukasyon, at maging lugar upang magsama-sama ang mga talented learners upang mas patatagin ang estado ng edukasyon sa bansa.
Ang 2023 National Musabaqah ay nagbibigay-halaga sa kultura ng mga Muslim sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad sa mga Arabic Language and Islamic Values Education (ALIVE) Learners na makalahok sa demonstrasyon.