Bitbit ang kanilang galing sa panlasa at pagluluto, nagpakita ng husay ang mga learner-participants mula sa General Flaviano Yengko Senior High School ng CALABARZON sa Food Processing event ng 2023 National Festival of Talents (NFOT), Cagayan De Oro City.
Binubuo nina Wilford Yarra, Ren Tao Vetus, at Draven Diaz, Grade 12 learners, sa patnubay ni Ms. Jovelyn R. Silverio, ang grupo ng CALABARZON, na siyang nagluto papunta sa kanilang pangarap at tagumpay.
Bahagi nila, pangarap nila maging chef at magkaroon ng sariling restaurant sa hinaharap, kaya naman sila rin ay nasa Technical-Vocational-Livelihood Track sa ilalim ng Home Economics-Cookery sa kanilang paaralan at sumasali sa ganitong patimpalak ng DepEd.
“Since child pa ako pangarap ko talagang maging chef, kasi nasa family kami ng pagluluto rin, so na-inspire po ako sa parents ko, sa mga lolo at lola ko, and it is my passion din po,” pagbabahagi ni Wilford Yarra.
Naging inpirasyon din nila ang kanilang mga magulang at kamag-anak, at naging puhunan ang kanilang kuryosidad para sa pagtahak ng Cookery.
“Dream ko po talagang mag-chef dahil ‘yong mother ko po, mahilig po siyang magluto. Sa kaniya po ako na-inspire magluto. Siguro, iyon din ang gusto kong maging trabaho kapag nakatapos na ako,” saad naman ni Draven Diaz.
“‘Yong interes ko po na mag-HE-Cookery dahil po ‘yon sa tita ko. Lagi ko po siyang pinapanood magluto, lagi po akong nagtatanong, kaya nagkaroon po ako ng interes sa pagluluto,” ayon naman kay Raven Tao Vetus.
Binigyang-diin din ni Wilford Yarra na maganda na muling naibalik ang NFOT sa in-person na setup dahil dito rin mas maipapakita ng mga kabataang Pilipino ang kanilang kakayahan sa iba’t ibang larangan.
“It’s a big opportunity sa mga students para makita ‘yong kanilang talent, mas nahuhubog at nai-improve ‘yong kakayahan nila, and as a person din also,” pagtatapos ni Yarra.