Para sa dressmaking-duo na sina Trisha Mae Dormendo at Reneboy Albarado ng CARAGA Region, nagsimula ang kanilang paglalakabay dahil sa kanilang pagkakahilig sa pananahi.
Ayon sa kanila, hindi nila akalain na makakarating sila sa National Festival of Talents (NFOT) nang dahil sa kanilang curiosity sa pananahi.
“Noong una, hindi ko pa pala alam na may kakayahan pala akong gumawa, kaya ko pala,” saad ni Reneboy.
Kilala at nakagawian na ang larangan ng pananahi at dressmaking para sa mga babae, ngunit para kay Reneboy, hindi importante ang kasarian upang makagawa ka ng isang proyekto na iyong gusto.
“Ang dressmaking hindi lamang pong pambabae, kami pong mga lalake ay likas na pasensyoso at talagang kailangan po ng mahabang pasensya sa pananahi. Marami pong steps, maraming dapat sukatin at gupitin nang pantay at tama,” dagdag ni Reneboy.
Para naman kay Trisha, pangarap niya na makapagtayo ng sarili niyang business gamit ang kaniyang talento sa pananahi.
“Pangarap ko po 10 years from now, may sarili na po akong business na patahian,” kwento ni Trisha.
Unang beses ng duo na ito na makarating sa NFOT kasama ang kanilang coach na si Gng. Ruth Maglasang, MTTE. Bagamat ilang oras lamang mula sa kanilang rehiyon, masaya sila sa kanilang naging experience sa NFOT.
“Masaya po na nakarating kami dito dahil nalaman po namin na hindi po pala kami lang ang may passion sa pananahi, mayroon pa po palang iba na katulad namin at masayang-masaya po kami na nakilala po namin sila,” saad ni Trisha.
“Wala pong pressure para sa amin at malaya po namin nakakausap ang ibang exhibitors mula sa ibang regions dahil hindi naman po ito contest o pagalingan, nandito po kami upang ipakita ang kaya naming gawin,” dagdag ni Reneboy.