Maraming pagsubok ang hinarap ng mga mag-aaral na nagsipagtapos ngayong taong panuruan upang makamit ang tagumpay. Dumaan ang pandemya na sumubok sa katatagan ng mga mag-aaral upang maipagpatuloy ang kalidad ng edukasyon para sa kanilang kinabukasan.
Upang suklian ang pagsisikap at tuparin ang pangako niya sa unang seksyon na kaniyang tinuruan sa kaniyang teaching career, hinandugan ni Jason Lania, MAPEH Teacher mula sa Divino Amore Academy ng Talisay City, Cebu, ang kaniyang mga dating mag-aaral ng kani-kanilang portrait sa pagtatapos nila ngayong taong-panuruan.
“I am their adviser and they are my first advisory class. And, during that year, palagi po kasi akong nagpo-post ng mga portraits for commissions. Then, sabi nila ‘Sir, baka naman bigyan niyo kami ng portrait,” pagbabahagu ni Teacher Jason.
“Then, napaisip ako bigla, pwede rin. Pero, since portrait is not easy to make, that is why I challenged them and said to them that those students will survive from Grade 7 to Grade 10, they will be given a portrait,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin niya na dahil na rin sa pandemya, may mga estudyante na siyang lumipat ng paaralan na kaniyang lubos na ikinalungkot. Ngunit, sa pagpapatupad muli ng in-person classes sa mga paaralan, ipinaalala sa kaniya ng mga dati niyang estudyante ang kaniyang pangako kung kaya naituloy niya ang paggawa ng portait para sa kanila.
“Sobrang saya noong mga estudyante ko po dati. ‘Yong iba, napaluha pa nga kasi hindi nila expect na magawan ko sila ng portrait sa maikling panahon dahil medyo busy kasi sa school,” aniya.
Sa mga nagtapos niyang mag-aaral, pinalalahanan ni Teacher Jason ang mga mahahalagang aral na ibinahagi niya at ng kanilang paaralan habang tinatahak nila ang kani-kanilang landas sa buhay.
“Alam ko naman na may natutunan sila sa values kaya gusto ko na in the next journey nila, maipagtuloy nila ‘yong values na natutunan nila sa aming school. Mahalaga na madala nila ito to guide them in their respective lives,” pagtatapos niya.