Tila may isang malaking agila ang nakabantay sa gate ng billeting school ng Region XI Davao Region, para bang pinoprotektahan ang atletang lalahok sa Palarong Pambansa 2023.
Ang maestro na nasa likod ng obra na ito na si Sol Pelicano ay isang master teacher sa Marsman National High School, isang visual arts coach, at isang proud artist.
Simula 2014, siya at ang kaniyang team na ang gumagawa ng mga disenyo sa mga billeting schools para sa kanilang rehiyon. Para ngayong taon, isang linggo nilang ginawa ang disenyo at ang iba ay iniluwas pa nila galing Davao Region.
Maliban sa malaking agila na sentro ng kaniyang disenyo, ang gate ng school ay pinatungan ng malalaking bloke ng styrofoam at iniukit sa disenyong lalake at babae.
Mayroon ring ibang elemento ang kaniyang obra katulad ng durian at waling-waling na sikat sa kanilang rehiyon. Dagdag pa niya, nais niyang dalhin ang kultura at produkto ng Davao Region hindi lamang para gawing at-home ang kanilang delegasyon kundi para na rin masaksihan ng nakararami ang mga ito.
Bilang isang Visual Art Teacher, ramdam ni G. Pelicano ang pagkawala ng interes ng mga bata sa sining, isa na sa mga dahilan ay ang teknolohiya ngunit, patuloy siyang lilikha at magtuturo ng paglikha upang maenganyo ang kabataan na sundin ang tawag ng sining.
“Kung ano ang hilig ninyo, ituon lang ninyo ang inyong sarili dito at ipagpatuloy ninyo lamang ito, lalo na sa visual arts. Huwag mahiya, matakot, o ma-discourage kung ano man ang maging kakahinatnan ng inyong pagpupursigi kasi balang araw, darating ang tagumpay sa inyong buhay,” pahayag ni G. Pelicano.
Nagbunga naman ang kaniyang paghihirap nang manalo ang kaniyang obra ng pangatlong puwesto sa Most Beautiful and Well Decorated Billeting Camp sa 2023 Palarong Pambansa.