Pinatunayan ng Region III Patriots at mga manlalaro na mula sa Bulacan na sila ang hari at reyna ng Table Tennis: Elementary Mixed Doubles matapos magharap ang dalawang koponan ng Central Luzon sa Championship Round.
Ibinahagi ng mga Gold Medalists na sina Ma. Mikaella Jopillo at Jerimiah Ranie Claudio, na fulfilling at masaya sila kung anoman ang magiging resulta ng laro dahil na parehas silang Region III at galing din sa Probinsiya ng Bulacan.
Si Mikaella Jopillo ay hindi na bago sa larangan ng Table Tennis. Bata pa lamang siya ay naglalaro na ito sa kanilang tahanan gamit ang makeshift na mesa at kalaro ang kaniyang ate. Sa kasalukuyan, Grade 6 na sa pasukan si Mikaella.
“Masaya po dahil first time ko lang pong mag-Palaro, tapos nag-champion pa po kami. Mahirap din po ang pinag-training-an namin para makapasok sa Palaro,” ani Mikaella.
Dagdag pa ni Mikaella, kahit na kapuwa taga-Bulacan ang nakaharap nila sa championship round, sineryoso pa rin nila ang laro habang nag-e-enjoy.
Ayon naman kay Jeremiah, masaya siya kung sino man ang Manalo dahil magkakasama rin sila sa pag-e-ensayo para sa 2023 Palaro.
“Kahit sino po manalo, magiging masaya ang coach namin. Pero, s’yempre po mas masaya dahil kami ang nanalo, kasi nagbunga po ang mga training naming,” saad ni Jeremiah.
Buong pagmamalaki namang ibinahagi ni Coach Gianna Marlee Gaddi na nakuha ng Lalawigan ng Bulacan at ang tanging nag-representa sa Region III para sa Elementary Table Tennis.
“Masayang-masaya kami no’n [Regional Meet] dahil nakuha ng Bulacan ang lahat ng Gold sa elementary. Doon nagbunga ang lahat ng pag-te-training since no’ng pandemic ng mga bata na ‘to. Simula pa no’ng Batang Pinoy sila-sila na ang magkakasama, and n’ong nagkaroon na nga ng Palarong Pambansa nagkaroon pa sila ng chance doon na maipakita ang kanilang skills,” pagbabahagi ni Coach Gianna.
Mensahe naman ni Coach sa mga nais mag-pursue ng Table Tennis na kapag nagkaroon ng interes para sa larong ito, kanila itong ipagpatuloy.
“Nag-uumpisa ang lahat sa interes. Basta mayroon kayong passion at gusto ninyo ang sports na ito, ipagpatuloy lang po natin ‘yon, humanap po tayo ng club na makakapag-push sa atin para maging magaling na player sa pingpong,” pagtatapos ni Coach Gianna.