Umuugong ang buong Marikina City dahil dito isinagawa ang pagbabalik Palarong Pambansa ngayong taon matapos ang tatlong taon at sa pagdating ng halos 11,000 na delegasyon mula sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa.
Ngunit, bago pa man magsimula ang mga laban at buksan ang mga playing venues, may mga tao na nakaistasyon sa bawat sulok ng Marikina upang masiguro na maayos, ligtas, at malinis ang buong siyudad para sa lahat.
Si Aida Pugan at Geraldine Magnayon ay dalawa sa volunteers na nakaistasyon sa Marikina Sports Center. Parehas silang 12 na taon sa serbisyo, ngunit ang mga malalaking kaganapan katulad nitong 2023 Palaro ang highlight ng kanilang mga trabaho. Ayon sa kanila, bilang mga ina rin, ramdam nila ang kasiyahan ng bawat batang kanilang nakakasalamuha.
“Proud kami, kami na mga volunteer. Kahit madaling araw na kami nakakauwi pagkatapos maglinis, kahit madaming ginagawa sa araw-araw, proud kami na kasali at kasama kami sa Palarong Pambansa,” saad ni Gng. Pugan.
Ready at on-the-go naman ang non-government organization na Matanglawin Brothers Rescue Volunteers na nagsisilbing rescue group sa bawat playing venues. Ayon kay Arnold Dela Cruz at Roschelle Serrano, ilan lang sila sa mga standy-by medic at rescue officers para sa Palarong Pambansa.
“Marami naman kaming mga medic dahil may LGU medic at medic galing sa mga delegate. Secured po ang mga bata kaya minsan nakakanuod po kami ng games pero syempre dapat ready pa rin po lagi,” pahayag ni G. Dela Cruz.
Maliban sa rescue group na ito, mayroon ring mga medical officers na mula sa LGU Marikina sa bawat venue. Ayon sa kanila, kumpleto at handa man sila sa kahit anong uri ng trahedya na maaring mangyari, mas nanaisin nila na walang mangyaring masama sa bawat atleta na kanilang binabantayan.
Bukod sa kanila, sinisiguro rin ng mga Technical Officers mula sa Marikina LGU at DepEd regions na tama at maayos ang bawat game habang sinisiguro ng mga detailed security guards, Philippine National Police (PNP), at Bureau of Fire Protection (BFP) at kaligtasan at kaayusan ng lahat.
Ilan lamang sila libo-libong mga tao na nasa likod ng Palarong Pambansa. Kaya sa bawat ligtas na paglalakad, malinis na kapaligiran, at maagang aksyon sa mga aksidente at sakuna, sila ang ating pasalamatan dahil sa marami at ibang paraan, sila ang kampyeon at heroes ng Palaro.