Throwback memories at inspirasyon ang dala ng kwento ng mag-amang sina Teacher-Coach Jose Jessie Galanza at ang anak nitong si Jema Galanza na isa nang professional volleyball player at national athlete.
Bilang isang coach ng volleyball simula 1996, si Coach Jessie na rin ang tumayong unang coach ni Jema noong nagsisimula pa lamang siyang mag-volleyball at sumabak sa 2008 Palarong Pambansa sa Puerto Princesa.
“Nagsimula siya maglaro ng Grade 4 bilang libero at nag-evolve bilang setter nung Grade 5. Tapos naging memorable dahil kami pa ang lumaban ng championship. Kami ang nag-second place against Central Visayas noon. Naging memorable dahil nabigyan pa po siya ng award noon,” kwento ni Coach Jessie.
Tila naging panata na rin ni Coach Jessie na magsilbi tuwing may Palarong Pambansa simula 2015. Ngayong taon, kabilang siya sa Technical Working Group ng CALABARZON Region bilang Transportation Officer.
Bilang isang proud parent at coach ng kaniyang mga anak at ilan pang mga sikat na atleta ng volleyball, hangad ni Coach Jessie na maging supportive parents din ang mga magulang ng mga batang atleta ngayon.
“Ma-realize po nila na ang sports ay career path na rin. Ang malaking factor ng pagtatagumpay po ng isang bata sa anumang karera na pinupuntahan nila ay ang magulang po talaga,” payo ni Coach Jessie.
Samantala, bilang pagpupugay sa kaniyang pinanggalingang rehiyon, bumisita rin si Jema Galanza sa billeting school ng CALABARZON Region kamakailan upang magbigay ng mensahe sa mga atleta.
“Ang message ko lang po sa lahat ng naglalaro ngayon dito sa Palarong Pambansa ay i-enjoy niyo lang po at kung ma-experience niyo ‘yong frustrations at pagkatalo ay okay lang po yan. Dumadaan talaga yan sa life ng atleta pero lahat ng mga struggles at challenges na dumadaan satin, ito yung magbibigay satin ng hope at dito rin tayo aangat bilang atleta,” payo ni Jema.