Sa bawat tagumpay, kalakip nito ang dugo at pawis upang makapaguwi ng karangalan sa kani-kanilang mga lugar na pinanggalingan at para kay John Mark Magdato, bitbit niya ang kaniyang dedikasyon hindi lamang para sa Region VI kun’di para sa kaniyang pamilya.
Ibinahagi ni John Mark ang kaniyang kasiyahan nang maiuwi niya ang kaniyang unang gintong medalya sa unang salang niya sa Palarong Pambansa at ang tagumpay na ito ay nasaksihan ng kaniyang magulang.
Ayon kay Coach Joe Marie Sandoy, nagtagpo lamang ang landas nilang dalawa ni John Mark sa Congressional Meet kung saan sinanay niya ito dahil nakitaan niya ng malaking potensiyal upang magkampeon sa 2023 Palaro.
“From the start, from the January, nagkaroon na ng School Meet, pagkatapos ay nagkaroon ng District Meet at palaging… mayroon siyang potensyal sa sprinting kaya dinevelop namin para siya ay magsanay ng sprinting from 100 meter to 200 meter to 400 meter dash,” ani Coach Joe Marie.
Dagdag pa niya, sumalang sa matinding pagsasanay si John Mark kung saan nagsisimula siya ng ika-4:00 ng umaga hanggang ika-08:00 ng umaga, at mayroon din silang ika-10:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali at ika-03:00 ng hapon hanggang ika-05:00 ng hapon upang masigurong handa siya sa pinakamataas ng lebel ng kompetisyon sa bansa.
“With regards of our training, it’s very difficult to train a child, especially ‘yong mga baguhan. Nag-u-umpisa ‘yan sa pinaka-grassroots, sa pinakamababa. Bilang coach, kailangan mong malaman o kunin ang activity ng bata kung saan siya talaga siya magaling at may potensyal,” ayon kay Coach Joe Marie.
Nagbunga ang kanilang matinding pagsasanay kung saan natamo nila ang gintong medalya sa 200-meter dash event sa Palaro noong Agosto 03 at nagtala siya ng 24.70 seconds sa oras, isang segundo lamang na diperensya sa 25-year old na Palaro record sa naturang event.