“Leader, Achiever, and Mover.”
Ganito ilarawan ang katangian ni Gian Franscine Z. Lampaz, Grade 12 ABM student ng Pines City National High School at kasalukuyang National Federation of Supreme Secondary Learner Government (NFSSLG) Vice President nang siya ay kumampanya at nagwagi bilang Sangguniang Kabataan (SK) Chairperson sa Barangay Fairview sa Baguio.
Kuwento ni Gian, ito ang kauna-unahang pagkakataon niyang tumakbo bilang kinatawan ng kabataan sa kanilang barangay habang kasalukuyang humigit-kumulang limang taong na siyang naninilbihan sa Supreme Secondary Learner Government (SSLG).
Bagamat bago si Gian sa larangan ng serbisyo publiko sa barangay, ibinahagi niya na ang “pagiging instrumento sa pagbabago at paglago sa pagsasagawa ng mga aktibidad na makatutulong talaga para sa kabataan” ang magiging kritikal na papel niya sa komunidad.
Ilan sa mga pinagtuonang-pansin sa kampanya na pinangunahan ni Gian, kasama ng konseho, ay ang leadership kung saan isasama nila ang kabataan hindi lang bilang kalahok kundi pati bilang facilitator sa pagpaplano, decision-making, at sa mga aktibidad ng SK.
“Sa prayoridad naman sa education, magiging bridge ako sa lahat ng scholarships outside.
Pinopost ng schools na may scholarship pero hindi nakikita ng mga kabataan na pinakanangangailangan,” ayon kay Gian habang pinapahalagahan ang empowerment ng kabataan sa achievement.
“Bilang mover at para sa aspeto ng mental health, we will create a safe space with different organizations outside school kung saan magkakaroon kami ng kumustahan session once a week na malaya naming naikukuwento ang aming mga concerns. At kung mapagbibigyan, sana magkaroon kami ng safe space places sa isang building na maaaring bisitahin ng mga kabataan every after classes nila para makapagkape at meryenda,” dagdag niya.
Para kay Gian, tatlong bagay dapat ang kailangang maipakita ng mga nagnanais na maging student leader o pinuno ng bayan, tulad ng pagiging isang mabuting halimbawa, pagiging matatag, at pagbibigay ng empowerment at inspiration.
“Yakapin ninyo na tayo bilang leaders ay dapat na maging role model sa ating kapuwa by exemplifying the behavior and values na gusto nilang makita sa isang leader. In that way, makakapag raise tayo ng marami pang leaders,” aniya.
END