Dulot ng makabuluhang tagumpay sa iba’t ibang larangan sa sektor ng edukasyon, hinirang si Bb. Raquel Rarang-Rivera, guro ng Alaminos City National High School, Division of Alaminos City, bilang isa sa mga 2023 Presidential Lingkod Bayan Awardees ng Civil Service Commission (CSC).

Kinilala si Bb. Rivera sa kanyang inisiyatiba sa pagtuturo ng information communication technologies (ICT), SPA-Media Arts, at sa pagbuo ng mga film club na lumilikha ng short films kung saan ito ay nanalo ng walong major awards sa pitong international festivals.

“Ang sining para sa kabataan ay isang behikulo para makapagpahayag at makapagturo ng disiplina. Unti-unting nakikilala ang bansang Pilipinas dahil sa mga pelikula at kuwento na gawa rin ng mga Pilipino at ang mga kabataan nito, at dito nakikilala ang ating kultura at turismo,” ani Bb. Rivera.

Naging inspirasyon naman ni Bb. Rivera ang kanyang mga magulang sa pagpasok sa serbisyo publiko sapagkat sa kanila niya natutunan ang dangal na makapaglingkod sa bayan, at ang pagiging isang mabuting ehemplo ng paglilingkod. Ang kanyang ina ay isang dating aqua-culturist sa bayan ng Bani at ang kanyang ama ay dating Agricultural Center Chief sa Office of the Provincial Agriculturist (OPAG).

Inaalay naman ni Bb. Rivera ang parangal sa kanyang mga magulang at mga naging estudyante sa kanyang paglalakbay bilang guro at lingkod bayan.

“Ang tagumpay na ito ay inaalay ko para sa kanila (nanay at tatay) dahil sila talaga ang totoong panalo na mga namumukod tanging lingkod bayan.”

“Kasama ko rin sa pagkamit ng karangalang ito ang mga estudyante ko simula 2008 hanggang ngayon. Kasama niyo akong lumago at mas marami akong aral na natutunan sa inyo, bilang guro at bilang isang indibidwal. Nahulma ako sa mga panahong ako’y nabigyan ng pagkakataon na magbahagi sa pag-aaral niyo.”

END