Pagtataguyod ng sustainable food and livelihood ang pinagtutuonan ng pansin ng mga Senior High School (SHS) Aquaculture students ng Ilocos Norte Regional School of Fisheries (INRSF) sa Laoag City sa gabay ni Annie O. Rarangon, Teacher II at Aquaculture program focal, nang maitampok nila ang pagbuo ng fish cage bilang bahagi ng kanilang curriculum.

Ayon kay Teacher Annie, nagiging mas popular ang aquaculture, o ang paglilinang ng mga organismo sa tubig bilang isang “sustainable” at “economically viable” na paraan ng produksyon ng pagkain.

Bilang resulta, kinikilala ng karamihan sa mga institusyong pang-edukasyon ang kahalagahan ng paghahanda sa learners para sa mga trabaho sa industriyang ito, lalo na at ang pangunahing hanapbuhay ng mga tao sa lugar malapit sa paaralan ay pangingisda.

“Ito [ang pagbuo ng fish cages] ay nagbibigay sa ating estudyante ng mga teknikal na aspeto ng pangingisda, kabilang ang pagpapakain, pag-aalaga, at pangangasiwa ng mga isda, hindi lamang ng mga teknikal na kasanayang ito kundi pati na rin ng malalim na pang-unawa sa mga aspeto ng kalikasan at pangingisda,” pagbibigay-diin ni Teacher Annie.

“Maaaring maging inspirasyon at makakapagbukas ito ng mga pinto para sa mga estudyante sa pagkakaroon ng mas mataas na interes sa agrikultura at pangingisda bilang mga potensiyal na career o advocacy. Sa pamamagitan nito, napapahalagahan din ang kultura sa mga pangisdaang komunidad at naipapakita nila ang pagmamalaki sa kanilang ikinabubuhay,” dagdag niya.

Gamit ang kawayan na may haba na 16 talampakan, twine rope, net needle, nylon rope, polyethylene net, at plastic drum, mabubuo ng kahit sinong mag-aaral at pamilya ang stable na pagkakakitaan, sustainable food source, at panibagong kultura sa pagkain sa tulong ng fish cages.

Ninanais naman ni Teacher Annie para sa mga estudyante ng paaralan at komunidad ay ang pagkakaroon ng future aquaculture researchers na maglilikha ng mga proyektong pananaliksik hinggil sa aquaculture, kabilang ang pag-aaral ng mga bagong pamamaraan, teknolohiya, best practices sa industriya ng pangisdaan, at ang pagbuo ng vivarium, isang controlled environment para sa laboratory research ng living organisms tulad ng isda at halaman.

END