Sa pakikipagtulungan nila sa kanilang mga stakeholders, umani ng tagumpay ang Robotics Team ng Tuguegarao City Science High School (TCSHS) sa nakaraang 2023 MakeX World Robotics Competition sa Yantai City, China noong nakaraang Disyembre.

Tinaguriang Innovative Learners with Creative and Genius mind (ILCG), ang naturang grupo ay binubuo ng mga TugSay Grade 12 students na sina Aaron Joseph Malabad, Tyrone Gabrielle Pangilinan, at Ezekiel Delos Santos kasama ang kanilang Coach na si Ginoong Ronevir Dulin.

Bagamat ito ang unang beses nilang sumali sa isang pandaigdigang kompetisyon sa robotics, nakamit ng ILCG ang Third Prize sa MakeX Challenge Energy Innovator at Best Cultural Award laban sa ibang koponan mula sa 30 bansa.

Bago nakasali sa internasyunal na kompetisyon ay sumabak muna ang grupo sa Creotec MakeX Robotics Cup na ginanap sa TCSHS. “Sa naturang kompetisyon ang mananalong team ang siyang ipadadala sa China, na pinalad naming pinagwagian, kaya libre na ang aming airline tickets palabas at pabalik ng bansa, domestic transportation sa China, pagkain at lodging,” wika ni Coach Ronevir.

“The stakeholders are really one of the reasons TugSay is achieving many things, their support is relentless. Malaki talaga ang papel ng stakeholders sa paghubog ng mga bata,” ayon kay TCSHS Principal Rosechelle Cauilan.

‘Di naman biro ang naging paghahanda ng koponan para sa international competition dahil alam nila ang limitasyon nila pagdating sa equipment at materials.

“We will not stop. We already know kung sa’n dapat kami mag- improve based sa observation and experience namin sa China. Sa suporta ng aming mga stakeholder at innovative na stratehiya ay makakamit namin ang aming dream na maging world champion sa susunod na competition,” ani Coach Ronevir.

END