“Mahirap, nakakapagod, pero fulfilling. Masarap sa pakiramdam kapag alam mong ginagawa mo ang iyong serbisyo ng tama at wala kang nililinlang na kahit sino.”
Panahon na naman para sa inaasam na pagbabago, iyan ang unang pumasok sa isip ni Teacher Alexander Tabubuca, 52, mula sa Delfin Albano (Magsaysay) Stand Alone Senior High School, habang gumagayak para sa kaniyang pag-upo bilang Electoral Board Chairperson para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa loob ng dalawampu’t limang taon na pag-upo, hindi na itatanggi ni Teacher Alex na ang BSKE ang isa sa pinakakritikal na eleksyong ginaganap sa bansa.
“Kadalasan, matindi talaga ang labanan sa barangay elections. Lalo na kung pinaiiral ng mga magkakatunggaling partido ang init ng kanilang ulo,” aniya.
Sa kalagitnaan ng pagsasagawa ng botohan ay patuloy na isinakatuparan ni Teacher Alex ang kaniyang tungkulin at mahinahong kinausap ang bawat isa.
Mula sa pag-aasikaso sa election paraphernalia, hanggang sa pagbibilang at pag-aanunsyo ng mga nanalo sa eleksyon ay naging propesyonal at hands-on Teacher Alex, dahilan upang matanggap ito ng bawat partido at maging matagumpay at mapayapa ng eleksyon.
“Paulit-ulit naming sinasabi at ipinaliwanag sa mga tao pati sa mga kandidato na ang electoral board ay walang kinikilingan o kikilingan pagdating sa resulta ng eleksyon. Nandoon kami bilang tulay para malaman kung ano talaga ang kagustuhan ng mga tao sa barangay,” ani Teacher Alex.
Isa lamang si Teacher Alex sa mga guro na patuloy na nagse-serbisyo upang masiguro na ang bawat isa ay maisusulong ang kanilang karapatan sa pagboto at pagbabago. At naniniwala siya na matatamasa ang pagbabago kung gagampanan ng bawat isa ng tama ang naiatas na tungkulin para sa bayan.