“Ang mga Person Deprived of Liberty (PDL) ay mga tao rin. Nasa kulungan ang ilan sa kanila upang mareporma o mabago sila. Mababakas sa kanilang mga mukha ang saya na nakaboto sila at kahit papaano ay na experience nila ito.”
Bilang isang guro, malaki ang gampanin ni Teacher Kristine Joy T. San Pedro o Teacher Tin ng Poblacion Elementary School, Division of Muntinlupa, sa pagtupad sa pangarap ng bawat bata. Ngunit sa eleksyon kahapon, may mas malaki siyang tungkuling ginampanan upang siguraduhing makaboboto ang mga PDL o mga taong nasa pangangalaga ng gobyerno sa kulungan.
Nagsilbi bilang Special Electoral Board sa PDL ng Bureau of Corrections (BuCor) si Teacher Tin at lubos ang kaniyang kasiyahan sa naranasan niya sa katatapos lamang na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023. Aniya, napaka-ayos ng naging pamamalakad ng BuCor sa naging eleksyon, well-ventilated ang lugar, at sinigurado ang kanilang kaligtasan.
Naniniwala rin si Teacher Tin na napakahalaga ng karapatan ng bawat isa sa pagboto, higit lalo sa mga PDL, dahil ito rin ang nagiging mukha ng pagbabago at kaayusang minimithi ng bawat isa para sa Pilipinas.
“Mahalagang makilahok sa halalan dahil ito ay pag-exercise ng isa sa ating mga Karapatan. We are a free country. Kung hangad natin ng pagbabago at kaayusan, bomoto tayo,” saad ni Teacher Tin.
“Para naman sa mga kapuwa ko guro, kapit lang, ituloy ang pagseserbisyo nang tapat at minsan higit pa sa oras dahil tayo ang inaasahan at ang tiwala ng mga mamayan sa mga guro ay di matatawaran,” pagtatapos ni Teacher Tin.
Hiling naman ni Teacher Tin na sana sa mga susunod na eleksyon ay maging katulad ng pamamalakad sa BuCor ang maging pamamalakad sa buong bansa. Magkaroon ng mga dagdag na polling precincts, maayos ang lugar ng pagbobotohan at sigurado ang kaligtasan ng bawat isa.