Maraming eskuwelahan sa bansa ang mayroong malalaking bilang ng klase, at upang masolusyunan ang large class handling, sinimulan ni Bb. Venus Metilla Alboruto, dating guro ng Surigao City National High School at kasalukuyang Education Program Supervisor ng Schools Division of Surigao City, ang Strategic Intervention Materials (SIMs).
Ang SIMs ay learning package na binubuo ng Guide Card, Activity Cards, Assessment Cards, Enrichment Cards, at Key Card. Isang special feature ng SIM ay ang paggamit ng Comics upang mas maintindihan ng mga mag-aaral ang mahirap na competencies tulad ng mga kaalaman at iba’t ibang konsepto sa agham.
“Gumawa ako ng maraming SIMs para kahit na absent sila, o kahit na ‘di nila na-master ‘yong competency sa loob ng classroom, makakahabol pa rin sila sa leksyon gamit ang SIMs. Lagi ko ring ikinukuwento sa kanila ang aking buhay para ma-inspire sila at maitanim sa kanilang isipan na hindi hadlang ang kahirapan upang magtagumpay sa buhay,” ani Bb. Alboruto, 2023 Civil Service Commission Pagasa Awardee.
Nang makilala ang inobasyon ni Bb. Alboruto bilang grand prize winner sa ilalim ng Search for Innovative Practice in Managing Large Classes ng Department of Science and Technology – Science Education Institute (DoST-SEI), ito ay mas pinayaman pa sa pamamagitan ng conversion ng SIMs sa Augmented Reality (AR) na ngayon ay tinatawag na SIMATAR.
Gamit ang SIMATAR, nagiging 3D ang pictures at concepts na tila buhay na naging daan upang maging interesado ang mga estudyante na makahabol sa mga aralin, lalo na ang mga working students.
Ibinahagi ni Bb. Alboruto na dapat ang isang outstanding government employee ay inventive at inobatibo sapagkat kailangan lagi maging handa sa pagbibigay ng angkop na solusyon na naaayon sa makabagong panahon.
“Naniniwala po ako na ang pagiging lingkod bayan ay blessing mula sa Panginoon. Hindi lahat ng tao ay binigyan ng pagkakataong makapaglingkod sa bayan, gustuhin man nila. Kaya gawin po natin ang ating best sa paglilingkod sa mamamayang ipinagkatiwala sa atin dahil ang pagiging lingkod bayan ay regalo ng Diyos, at ang pagiging outstanding employee ay ating pagbabalik regalo sa Diyos at sa mamamayan.”
END