9 July 2024 – Kinikilala natin ang taunang Palarong Pambansa bilang tradisyon ng Department of Education na may malalim at makabuluhang papel sa paglinang ng ating mga mag-aaral at paghahanda para sa mas malalaking kompetisyon sa buhay.
Kasabay ng pagbubukas ng Palarong Pambasa 2024 sa Cebu City ngayong araw ay ang aking dasal at hangarin para sa tagumpay ng ating mga layunin na maisulong ang akma, napapanahon, at dekalidad na edukasyon para sa mga kabataang Pilipino.
Ang Palarong Pambansa 2024 ay nagpapatunay sa paninindigan at dedikasyon ng DepEd para sa ating mga mag-aaral. Kinikilala din natin ang iba’t ibang mga sektor na tumulong sa DepEd para muli nating maisagawa ito ngayong taon.
Maraming salamat din sa lahat ng mga guro, coaches, technical staff, mga magulang, at lahat na bahagi ng Palarong Pambansa 2024 — lalo na sa Cebu City, at sa lahat ng mga lokal na pamahalaan sa isla ng Cebu at sa buong bansa.
Sa ating mga atleta, dito ay hindi kayo uuwing talo — dahil ang inyong partisipasyon sa ating mga kompetisyon ay isa nang tagumpay para sa bawat isa sa inyo.
Baunin sana ninyo ang mga leksyon ng pakikipagkaibigan, disiplina, pagpupursige, at katatagan para sa katuparan ng inyong mga pangarap.
Shukran.
Sara Z. Duterte
Vice President of the Republic of the Philippines
Secretary of the Department of Education