Pinatunayan ni Jamal Rahmat “JR” Pandi ng Poona Bayabao, Lanao del Sur, BARMM na siya pa rin ang magmamay-ari ng gold medal sa Badminton Secondary Boys sa Palarong Pambansa 2024 matapos talunin si Lovic Javier ng Western Visayas sa finals match kahapon sa Metro Sports Center Cebu.
Bilang isang atletang nag-compete na sa iba’t ibang local at international tournament, hindi maaalis kay JR ang pressure lalo pa’t nakasungkit na siya ng Silver Medal sa nakaraang 13th Asean School Games noong Mayo.
“Na-pressure po ako nang kaunti sa sobrang dami lang pong iniisip sa labas ng court saka syempre yung kalaban ko po ay kasama ko rin po sa tournament sa labas so andon po yung pressure na hindi ako pwede matalo,” aniya.
Sa pagpapatuloy ng kaniyang badminton career, inaasam ni JR ang pagsungkit ng gintong medalya sa international tournament.
“Sana po mag-champion na ko sa international [tournament]. Kasi po yung pinakamataas ko pa lang po is silver pa lang po eh, so gusto ko po makakuha ulit ng gold para naman sa Pilipinas.”
Bilang isang mag-aaral ng Ragayan National High School at isang Maranao, nagpapasalamat si JR sa lahat ng sumusuporta sa kaniya lalo na sa BARMM.
“Nagpapasalamat po ako sa lahat ng mga sumusuporta, ramdam ko po yung suporta ninyo kahit sa mga hindi po nanood,” bahagi niya.
Ito ang ikalawang gold medal ng BARMM para sa Palarong Pambansa 2024 matapos masungkit ni Joeharry Bones ang gold medal sa Category 5 (Over 55 kg & not exceeding 59 kg) sa Taekwondo Secondary Boys.