Ang buong Kagawaran ng Edukasyon ay nakikiisa sa sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng ika-122 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Mula sa ating mga bayani na nagsigasig na makamtan ang kalayaan ng ating bansa, kami sa Kagawaran ay sumasaludo sa ilang salinlahing Pilipino na nagtaguyod ng ating mayaman na kasaysayan.
Sa paglipas ng panahon, pinapatunayan natin na ang ating kasarinlan ay susi ng ating pagkakabuklod-buklod, sa anumang hamon o sakuna. Tayo ay nahaharap ngayon sa isang pandaigdigang krisis dahil sa pandemyang COVID-19 ngunit hindi ito hadlang para ipakita ang diwa ng malayang sambayanan – ang patuloy na pagbibigay ng pag-asa.
Nariyan ang kwento ng mga medical workers na walang sawa at higit pa ang ibinibigay na paglilingkod mabigyan lamang ng tamang aruga ang mga maysakit. Kasama rin ang mga kwento ng katapangan mula sa mga response team at volunteer na tuloy ang pag-abot ng tulong sa mga nangangailangan.
At mula sa Kagawaran, ang ating mga bayaning guro na laging handang magbigay ng kanilang serbisyo upang hindi mahinto ang pagkatuto ng ating mga anak sa gitna ng pandemya.
Ang mga makabagong bayaning Pilipino ay patuloy na sumasagot sa hamon ng panahon. Ang nakararami ay handang tumulong sa kabila ng mahirap na sitwasyon.
Nawa’y maging tanda ang araw na ito upang magpunyagi pa tayo sa pagkamit ng pagkakaisa at pagtutulungan ng sambayanan tungo sa magandang bukas. Sa isip, sa salita, at sa gawa, itaguyod at ipagpatuloy natin ang pagbabayanihan tungo sa malaya at ligtas na bansang Pilipinas.
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!