Hunyo 19, 2020 – Ipinaaabot ng Kagawaran ng Edukasyon ang pasasalamat namin sa mga lokal pamahalaan, non-government organizartions (NGOs), stakeholders, mambabatas, sa ating Pangulo at sa lahat na nagpakita ng kanilang pagsuporta tungo sa pagbibigay ng mga oportunidad pang-edukasyon para sa ating mga mag-aaral sa gitna ng krisis.

Lubos ang aming pagtanaw ng pasasalamat sa mga pamunuan ng pamahalaan at iba pang katuwang namin sa pagsiguro ng kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at mga magulang sa ganitong sitwasyon. Ang nag-uumapaw na suporta na ito ay naging daan sa Basic Education-Learning Continuity Plan (BE-LCP) — isang komprehesibong at evidence-based na alituntunin para sa Kagawaran at mga stakeholders nito sa pagsagot sa hamon ng edukasyon sa gitna ng krisis.

Naging bunga rin ng malawakang pagsuporta ng sambayanan ang humigit kumulang 13 milyon na mag-aaral kasama ng kanilang mga magulang na ang nagpahiwatig ng kanilang kumpiyansa sa Kagawaran para sa darating na school year. Inaasahan namin na darami pa ang mga magpapalista sa nalalabing araw ng enrollment period.

Ang pagbuhos ng ganitong suporta mula sa iba’t ibang hanay ay nagbibigay sa amin ng inspirasyon upang mas maging handa pa na makamit ang mga adhikain ng BE-LCP para sa school year 2020-2021. Kami ay nakikipagtulungan na sa pribadong sector upang paghandaan ang iba’t ibang learning delivery modes na iaalok kapag nagsimula na ang mga klase. Nakikipagtrabaho na rin kami sa lokal na gobyerno para sa mas maayos na pamimigay ng mga learning resources. Dagdag pa rito, patuloy naming pinapatnubayan ang aming mga guro at mag-aaral upang mapanatili ang kaligtasan at kalusugan nila.

Patuloy naming kakamustahin ang ating mga paaralan sa ating tuloy tuloy na paghahanda para sa pagbubukas ng klase. Kaakibat nito, hindi kami titigil na humanap pa ng mga organisasyon at institusyon na bukas para makipagtulungan dahil ang adhikaing nagkakaisa ng marami ay siyang magiging susi para malampasan natin ang mga hamon na ito.

Madalas ngang sinasabi na “It takes a village to raise a child”, ngunit muli nating pinapatunayan na ang sambayanang Pilipino ay handa upang mapalaki ang mga bata sa kabila ng pagsubok ng pandemya.

Ang Bayanihan ng mga Pilipino ay muli na namang nagniningning kahit sa mahirap na sitwasyon at ikinalulugod ng Kagawaran ng Edukasyon na maging saksi rito at sa sama samang pagbibigay ng pag-asa sa lahat sa pamamagitan ng dekalidad na edukasyon.

Sa nagkakaisang bansa, ang edukasyon ay tunay na uunlad patungong hinaharap kung saan ang kabataan ay malayang mararating ang kanilang mga pangarap.

END