Ulirang Guro: “Ang puhunan ko ay Sipag at Pagmamahal sa Pagtuturo”
Lungsod ng San Fernando, La Union – Paparangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) si Richard Morgado Collado ng Ilocos Norte National High School (INNHS) ng Gawad Ulirang Guro sa Bahay Alumni 1, UP Diliman, Lungsod Quezon sa ika-19 ng Agosto, 2016.
Ang pagkahirang kay Collado ay batay sa kaniyang makabuluhang saliksik pangwika at pangkultura; promosyon ng Wikang Filipino sa larangan ng pagtuturo; at pangunguna sa pagpapahalaga at pagtataguyod sa wikang Filipino. Kasama niyang mapaparangalan ang sampu pang guro mula sa iba’t ibang paaralan sa bansa.
Ipinaliwanag ni Collado na hindi naging madali ang kaniyang pagkapanalo. Mapanghamon ang mga kwalipikasyon at maikli ang panahon ng paghahanda.
“Ang pinuhunan ko ay sipag, tiyaga at pagmamahal sa pagtuturo. Kaya nang aking malaman na isa ako sa mga magagawaran bilang Ulirang Guro ay walang mapagsidlan ang aking kagalakan; hindi po ako halos makapaniwala sapagkat para sa akin ang manalo sa napakaprestihiyosong parangal na ito ay suntok sa buwan,” wika ni Collado.
Binigyang inspirasyon ni Collado ang mga kagaya niyang nagtuturo na kailangan nilang panghawakan at pahalagahan ang sinumpaang tungkulin. “Sa aking mga kapwa guro, alam kong lahat tayo’y may lakas at kakayahang marating ang gawad na maipagkakaloob sa akin. Totoong masalimuot ang buhay pero hindi tayo dapat panghinaan ng loob,” dagdag niya.
Pinasalamatan ni Collado ang kaniyang pamilya, ang pamilya ng INNHS, mga opisyal ng Kagawaran ng Edukasyon ng Sangay ng Lungsod ng Laoag, ang mga mamamayan ng Laoag at Probinsya ng Ilocos Norte, mga kaguro, katrabaho, kaklase, mga naging guro at lahat ng mga tumulong lalung-lalo na ang Poong Maykapal sa biyayang naibigay sa kaniya. “Dahil sa tulong at pagtitiwala po nila, nagkaroon po ako ng lakas at tibay ng loob upang ipagpatuloy ang aking nasimulan,” sabi pa ni Collado.
Ang pagtatampok sa “Ulirang Guro sa Filipino” ay alinsunod sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa taong ito na may tema, “FILIPINO: WIKA NG KARUNUNGAN.”