SATAFIRU Binuo, Kurikulum sa Filipino Mapapabuti
Lungsod ng San Fernando, La Union – Nahalal bilang Pangulo ng Samahan ng mga Tagapagtaguyod ng Filipino sa Rehiyon Uno (SATAFIRU) si Atty. Edmundo Bisquera ng Sangay ng Lungsod ng Urdaneta sa isinagawang eleksyon sa opisina ng Kagawaran ng Edukasyon noong Agosto 2, 2016.
Layunin nito na magkaroon ng mga mangunguna sa mga isagagawang proyekto at programa na mag-aangat sa kurikulum ng Filipino at magsisilbing gabay at katuwang ng mga guro at superbisor sa rehiyon sa anumang suliranin na may kinalaman sa pagtuturo ng asignatura.
Nagalak si Assistant Regional Director (ARD) Bettina D. Aquino sa determinasyon ng mga kinatawan ng bawat Schools Division na buuin ang kanilang samahan. Nagpahayag siya ng pagsuporta sa adhikain lalo pang mapapabuti ang sistema ng pagtuturo ng asignaturang Filipino at magiging mabisang kaagapay sa pagpapatupad at ikapagtatagumpay ng lahat ng programa ng kagawaran.
Hinikayat naman ni Ginang Sol Jomaya, Officer-in-Charge, Curriculum Learning Management Division (CLMD), ang mga bagong opisyal na pag-ibayuhin at dagdagan pa ang kanilang kasipagan para sa kapakanan ng mga mag-aaral. “Ipagpatuloy natin kung ano ang nakasanayan na nating gawin at dagdagan pa ang parpupursige para makamtan natin ang layunin ng samahan sa kabutihan ng asignaturang Filipino,” bigkas ni Jomaya.
Ang mga opisiyal ng SATAFIRU ay sina: Edmundo Bisquera (Urdaneta City), Pangulo; Louie Libatique (La Union) at Wilma Gonzales (San Fernando City), Pangalawang Pangulo, Internal at External; Felipa Regaspi (Vigan City) at Melchora Viduya (Pangasinan I), Kalihim; Elsa Calado (San Fernando City) at Elisa Ranoy (Alaminos City), Ingat Yaman; Edgar Pescador (Candon City) at Edith Mabanag (Ilocos Norte), Tagapamahala; Gladys Domingo (Laoag City) at Susan Aspili (Batac City), Tagapagbalita; Agnes Bacugan (Dagupan City) at Gregoria Sabalbura (Ilocos Sur), Tagasuri; Arabela Soniega (Pangasinan II) at Vivian Ofanda (San Carlos City), Tagapamayapa; at sina Julius Pajarillo (Vigan City), Cesar Avecilla (La Union), Ryan Mareno (Urdaneta City), Ferdinand Torres (Pangasinan I), at Pablo Tabin, Jr. (Ilocos Sur), Kinatawan.
Si Dr. Edith T. Giron, Superbisor ng Filipino sa rehiyon, ang Tagapayo, samantalang sina Regional Director, Dr. Alma Ruby C. Torio at ARD Aquino ang magsisilbing Tagapatnubay.
Ang aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa taong ito na may tema, “FILIPINO: WIKA NG KARUNUNGAN.”