DepEd: Edukasyon ang susi sa maayos na buhay
Sunday, November 6, 2016
PASIG CITY, November 3, 2016 — “Nasa edukasyon ang susi sa komportableng buhay,” ito ang sinasabing ng halos 80% mga Pilipino na lumabas sa pag-aaral ng National Economic and Development Authority (NEDA) na siyang magiging gabay ng pamahalaan sa ilalim ng Ambisyon Natin 2040.
Ayon sa NEDA, ang mithiing ito ang dahilan kung bakit nagsisikap ang pamilyang Pilipino na makapagpatapos ng mga anak na makapagbibigay sa kanila ng maayos na trabaho.
Ayon kay Education Secretary Leonor Magtolis Briones bagaman mas maraming estudyante na academic track ang gustong kunin, may iba pang track na maaaring piliin ang mga estudyante na makapagbibigay din ng magandang kinabukasan.
“Maaari tayong maging magaling na artist, atleta, entrepreneur o designer kung hindi natin linya ang apat na taong kurso at ang mga ito ang pwedeng pagpilian sa senior high school,” paliwanag ni Briones.
Sa panayam bago ganapin ang 2016 Education Summit sinabi ni Briones na hindi lang mga kurso sa kolehiyo ang sukatan ng tagumpay sa pag-aaral.
“Kung maibabalita natin sa kanila nasa high school pa lang ay pwede na silang pumili ng mga kursong magdadala sa kanila sa tagumpay, mas marami tayong kabataan na makukumbinsi upang subukan ang sports, arts at design, at technical-vocational education na pwede nilang pagkakitaan at ipagmalaki,”
Ang mga layuning ito ang isa sa bibigyang-diin sa gaganaping 2016 Education Summit na lalahukan din ng Commission on Higher Education (CHED) at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).Ito ay gaganapin sa SMX Convention Center sa Mall of Asia sa Pasay City mula Nobyembre 3 hanggang 4, 2016.