PASIG CITY, Pebrero 28, 2019 –Alinsunod sa adhikain na makamit ang zero tolerance sa anumang uri ng pang-aabuso, pananamantala, diskriminasyon, pang-aapi at iba pang anyo ng karahasan laban sa mga bata, tinatawagan ng Kagawaran ng Edukasyon ang lahat ng mga magulang na higit bigyang pansin at pagpapahalaga ang mga gawain ng kanilang mga anak sa internet lalo na sa kasagsagan ng tinatawag na “Momo challenge” at iba pang hamon o laro na ‘di umano ay nag-uudyok sa mga bata na saktan ang sarili.

Hinihikayat din ng Kagawaran ang mga magulang at mga gabay na panatilihin ang maayos na pag-uusap sa pagitan nila at ng kanilang mga anak, turuan sila tungkol sa responsableng paggamit ng internet, bantayan ang mga online na aktibidad ng mga bata at tulungan silang maintindihan na ang kanilang mga magulang at mga gabay ang higit nilang dapat pagkatiwalaan tungkol sa mga pagkakataon na nararamdaman nilang sila ay hindi komportable, hindi ligtas o napipilitang gawin ang mga bagay na ayaw nilang gawin.

Sa mga paaralan, binibigyang-diin ng Kagawaran sa mga mag-aaral na ang kanilang kaligtasan sa internet ay kasing halaga ng kanilang kaligatasang pisikal. Ito ay sa pamamagitan ng mga banghay-aralin na may tamang konteksto at naaayon sa kanilang edad habang sila ay hinahayaang patuloy na pahalagahan ang internet bilang isang ligtas at nakawiwiling paraan upang matuto.

Higit pa rito, nililinang din ng Kagawaran ang kakayahan ng mga bata na malaman at mabatid ang mga problema, banta at katotohanan ng mga impormasyon na makikita sa internet sa pamamgitan ng 21st century skills na hinahasa sa lahat ng antas mula Kindergarten hanggang Senior High School (SHS) sa lahat ng asignatura ng K to 12 Curriculum.

Isang halimbawa ay ang pagpapayabong ng critiquing data and information skill sa mga mag-aaral na nasa Grade 1 hanggang SHS sa pamamagitan ng mga asignaturang Filipino at English. Ang media and information literacy (MIL) skills naman ay nililinang sa mga mag-aaral na nasa Grade 4 pa lamang, partikular sa asignaturang Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan. Sa Grade 11 at Grade 12, ang mga kasanayan na naglalayong hubugin ang malikhain at kritikal na pag-iisip ng mga bata upang tulungan silang iproseso ang mga impormasyon sa internet ay binibigyan ng mataas na pagpapahalaga sa core subject na MIL at sa applied subject na Empowerment Technologies.

Pinalalakas din ng Kagawaran ang implementasyon ng Child Protection Policy sa pamamagitan ng pagpapaigting sa kahalagahan ng online safety bilang isang aspekto ng polisiya. Noong Nobyembre 2018, inilunsad ng DepEd, sa pakikipagtulungan ng Stairway Foundation at ng Internet and Mobile Marketing Association of the Philippines (IMMAP), ang proyektong #BeCyberSafe na naglalayong palawigin ang sakop ng child protection sa internet.

Bagama’t nakababahala na ang ganitong uri ng kabuktutan laban sa kabataan ay patuloy na kumakalat sa iba’t ibang paraan, nararapat na tumindig at kumilos bilang isa ang Kagawaran, mga magulang, mga gabay, mga guro, stakeholders at ang komunidad upang pangalagaan ang kabataan laban sa mga panganib na kaakibat ng paggamit ng at presensya sa internet. Ang mga gawain na nagsasamantala sa mga kabataan ay dapat labanan sa pamamagitan ng tamang patnubay at edukasyon tungkol sa mga karapatan at mga responsibilidad ng mga bata, online at sa pisikal na mundo.

WAKAS