Zach Nonaillada
Region IX

“Life is here.”

Ako ang lugar na puno ng buhay. Ang lugar na kumakatawan sa parehong sinauna at makabagong panahon. Ang pook na puno ng kulay, artipisyal man o natural. Iba’t ibang tao na nagkakaisa para sa ika-uunlad ng siyudad. Higit sa lahat, ako ang pook na magpapakita sa iyo kung ano ang tunay na kahulugan ng ganda at saya. Halina’t mamangha sa itinatagong kayamanan ng siyudad ng pag-asa at buhay.

Ako si Davao City, tanyag sa katagang King City of the South. Oo, sa akin nagmula ang kauna-unahang Presidente ng Pilipinas na mula sa Mindanao. Ako’y itinatag noong 1903 hanggang 1914 ng mga Moro, kung kaya’t hindi nakakapagtakang binubuo ako ng 11 tribong namumuhay nang mapayapa at na nabibilang 1,600,000 populasyong nananahan sa akin. Ako’y itinuturing bilang isang highly urbanized na siyudad at isa rin sa mga sentro ng komersyo at kaunlaran sa Mindanao. Kaya’t di nakapagtatakang nagtataasan at nagtatayugan ang mga gusaling nakatayo sa iba’t ibang parte ng aking kalupaan at maraming sasakyang dumaraan sa aking mga kalye. Nabibilang ako sa probinsya ng Davao del Sur at nahahati sa tatlong distrito.

Simulan natin sa usapang pagkain, una na diyan ang mga pagkaing isdang tiyak na magdadala sayo sa kaibuturan ng dagat sa sarap. Kabilang na diyan ang tuna, pusit, at sari-sari pang isdang matatagpuan sa lahat ng sulok ko. Mayroon ding mga kainan, komersyal man o karinderiang sulit sa bulsa at swak sa iyong panlasa. Prutas ba ang hanap niyo, marami rin ako niyan. Kabilang na riyan ang saging, langka, durian at iba pa, kung kaya’t hindi maipagkakailang tinawag akong Fruit Basket of the Philippines.

Pangalawa sa listahan ang mga magagandang pasyalang magbibigay sa iyo ng kasiyahan at kaalaman tungkol sa akin. Unang-una ang Philippine Eagle Center na matatagpuan sa Calinan. Sa pasilidad na ito matatagpuan ang 32 na agila kabilang na ang Pithecophaga jefferyi o mas kilala ng lahat bilang Philippine eagle na klasipikado na bilang critically endangered o nanganganib nang maubos. Matatagpuan din sa parke ang ibang hayop kagaya ng mga unggoy at rabbit. Sunod naman ang Davao Crocodile Park na tahanan ng naglalakihang buwaya. Matatagpuan ang parke sa Talomo sa sentro pa rin ng Davao. Ilan pa sa mga pwedeng pasyalan ang People’s Park at mga tanyag na mall.

  • SAMA NA SA SAMAL. Isang nakatagong paraiso na kilala bilang Island Garden of Samal ay tanyag sa mala-pulbos nitong buhangin at mala-kristal na dagat. Kuha ni Princess Gwen Elmidulan

Higit sa lahat, ‘wag niyong palampasing makapunta sa tanyag na Island Garden of Samal. Maputi at malapulbos na buhangin. Mala-kristal na dagat na animo’y mang-aakit sa iyo na maligo. Mga punong nagbibigay silong at mas nagpapaganda sa kabuuang kapaligiran ng isla. Ang Samal Island ang magbibigay sa iyo ng tunay na kahulugan ng paraiso. Sabayan pa ng mga atraksiyon kagaya ng kayak riding, island hopping at iba pa na tuluyang magpapa-in love sa iyo sa isla at tiyak na babalik-balikan mo.

Kung paalis ka na, marami akong pabaon sa iyo. Mga produkto ng durian, mga bag, damit, at ibang souvenirs na pwedeng pasalubong sa mga mahal sa buhay. Pwede ring mag-uwi ng mga prutas. Maiuuwi rin ninyo ang mga produkting gawa ng mga grupong etniko, kagaya ng jars, vases at mga hinabing produkto. Ngunit ang pinakamagandang pabaon ko sa inyo ang mga alaalang tiyak na magbibigay sa inyo ng mga magagandang impresyon sa akin.

Higit sa lahat, ang pinaka-iingatan kong yaman ay ang mga taong nanahan sa akin. Mapag-alaga, kalmado at nagpapahalaga sa mga batas at kultura, iyan ay iilan lamang sa mga katangian ng mga Dabawenyo. Kung kaya’t hindi kataka-takang napananatili ng mga tao ang aking sinaunang pamamaraan at kultura sa kabila ng modernong pamumuhay at ekonomiya. Kahit patuloy ang pagdami ng mga banyagang dumarating at nananahan na sa aking kalupaan, napapanatili pa rin ang dating kultura ng Davao.

Ako nga ang lugar na puno ng buhay, ang lugar na siyang magbibigay sa iyo ng mga magagandang alaalang tiyak na hindi maalis sa inyong mga puso. Kulturang umiiral sa makabagong pamumuhay, mga destinasyon mala-paraiso, mga pagkaing gumigising sa natutulog na diwa, at mga taong mapag-alaga at may respeto, mga katangiang kailanma’y ipagmamalaki ko sa inyo at sa mga susunod pang henerasyon. Kaya’t halina sa kaibuturan ng aking lungsod at lasapin ang bawat sandali. Ako ang Davao at maipagmamalaki kong ako ang King City of the South.

WAKAS